Pages

Saturday, October 08, 2016

Musang: Ang kilabot sa Kabikolan







Kilabot nga ba ang Musang sa gapangan para bulagain ang kaaway? Marami na tayong naririnig na mga kuwento tungkol sa kanilang kagalingan sa tracking operations at close quarter combat sa mga nagdaang mga operasyon laban sa mga bandido. 

Sa Kabikolan, ang 3rd Scout Ranger Battalion na pinamunuan noon ni Col Cirilito Sobejana ang syang nakapagtala ng 8 napatay na mga bandido at nakakumpiska ng 9 na mga baril nang makasagupa ng platoon na pimanunuan ni Lt Balais ang bandido sa Bgy Banate, Pilar, Sorsogon noong September 25, 2009. 

Ang mga ehemplo ng matagumpay na operasyon ng mga Musang sa counterinsurgency operations ang isa sa dahilan kung bakit binuo ng Philippine Army ang Division Reconnaissance Company, na kung saan ay ginagamit ang Scout Ranger tactics laban sa mga bandidong komunista. 

Ang isa sa malaking hadlang sa kaunlaran sa Kabikolan ay ang walang habas na pangongotong ng mga bandido sa mga negosyante at sa mga construction companies na syang gumagawa ng mga kalsada sa mga liblib na lugar kagaya ng Caramoan road na syang magpapaigting sa turismo sa naturang lugar. 

Noong May 2010, apat na mga sundalo ng 42nd Infantry Battalion, kasama ang Musang na si Cpl Arturo Hernandez, ang napatay sa roadside bomb na pinasabog sa tropa na syang nagbabantay sa mga heavy equipment  na ginagamit sa paggawa ng kalsada. Napatay din si Lt Logronio ng PMA Class 2009 sa naturang engkwentro .



                                    



Ang hari sa kagubatan

Noong ika-17 ng Enero 2016, isang text message mula sa isang kakilalang sibilyan ang natanggap ni 2nd Lt Raydez Acosta (SR 156-04) ang nagpapainis sa kanya. 

"Sir, maawa po kayo sa amin. Hinihingan po kami ng bigas ng mga NPA eh kulang pa po ang aming pagkain para sa aming pamilya. Andito po ang humigit kumulang sa 15 na armadong NPA sa masukal na bahagi sa Sitio Panag, Bgy Gibgos sa bayan ng Caramoan.' 

Gusto pa sana nyang kausapin ang nagbigay ng mensahe ngunit nawalan na ito ng signal. Naikot na rin niya ang karamihang lugar kaya nagdesisyon sya na hagilapin ang mga bandido gamit ang kanyang kaalaman sa tracking patrols. Pinili nyang isama ang isa sa pinakamagaling na NCO sa kanyang unit, ang Musang na si Cpl Mark Maristela (SR 177-11) na syang batikang Team Leader ng 91st Recon Company. Dahil parehas silang Musang, madali ang koordinasyon nila. Magkatuwang din nilang ibinahagi ang kanilang mga kaalaman sa pakikidigma sa mga kasamahan nila sa yunit. Kahit walang 'tabak' pinapatunayan din ng mga tauhan nila ang kanilang kagalingan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga taktika na ipinapatupad ng mga pinuno nila. 

Ang larong 'Taguan'

Tinitiis nina Acosta at ng kanyang mga tauhan ang pagod at gutom sa paghahanap ng mga indikasyon ng mga bandido sa lugar. Kalahating araw silang sinusuot ang mga kasukalan nang makakita sila ng mga apak at mga upos ng sigarilyo. Sa kanyang pag analisa, aabot sa sampung tao ang kanilang nasusundan base sa mga naupuang damo at sa senyales sa kapaligiran. Dito nagsimula ang kanilang matiyagang pagsunod sa mga kaaway. 

Habang tumatagal, nagiging presko ang mga nabaling sanga at mga naapakang damo. Sa hinala ni Acosta ay walang isang oras ang pagitan nila sa mga bandidong nasusundan. Dahil dito, habang naglalakad, pinagtiisan nilang lumamon ng skyflakes at white rabbit para mapawi ang gutom na nararamdaman. Inaasahan nilang humihinto rin ang mga kalaban. 

Nang inabot sila ng takip-silim, nagpasya si Acosta na ipagpaumaga ang pagtukoy sa kinaroroonan ng mga bandido na paikot-ikot lamang sa mga kasukalan. Naghanap sila ng magandang lugar na matutulugan. Naligo sila sa pawis sa buong araw na lakaran kaya minabuti nilang magbihis ng damit bago nagbantay ng salitan. Tulog 'gansa' ang inabot ng grupo ni Acosta dahil sa pag-alala na baka sila ay maiisahan ng kalaban, at higit sa lahat, sa dami ng lamok at niknik, dugong Musang ay pinagpipyestahan.

Kinaumagahan, nakikita nilang muli ang mga preskong apak ng mga kalaban. Magkatabi lang pala sila ng tinutulugan!

Binigyan ni Acosta ng panibagong kautusan si Maristela kung paano nila masorpresa ang kalaban. 

"Lakad at singhot ng Musang ang kailangan. Siguruhin ang kanilang katauhan bago natin bugahan." 

Walang iwanan

Dakong alas-otso noon ay batid na nina Acosta na ang mga kaaway ay nasa malapit lamang. Kumakalabog ang kanyang dibdib na hudyat ng pagiging alerto sa panganib na kanilang susuungin. 

Tahimik silang umaamoy ng indikasyon ng sigarilyo at pagkain nang naririnig nila ang boses ng taong nagbobolahan. 

Tinawag uli ni Acosta si Maristela: "Ito na. Baka sila na yan. Siguraduhin natin." 

Nagbigay naman ang huli ng hand and arm signals para sila ay magsimula na gumapang na tila gutom na Musang. Ngayon, mga makukulit na pulang langgam at mga insekto naman ang kanilang kahalikan. Pinilit nilang hindi ito pansinin at baka sila naman ang mabugahan ng mga bandidong sinusundan. Natuto na rin sila sa istilong merong nag-aabang na poste ng kaaway sa dadaanan. Meron na rin silang diskarte paano ito maiwasan. 

Nagbunga ang kanilang pagod nang makita nila ang pinanggalingan ng boses na napakinggan. Nilapitan sya ng Lead Scout at bumulong sa kanya: "Sir, isang babae at 3 lalaki ang nagkuwentuhan. Di makita kung may baril."

Dahil dito, minabuti nyang ilapit pa ang kanyang grupo  sa mga pinaniniwalaang kaaway. Walang kamuwang-muwang ang mga ito na may nakamasid pala sa kanila na mga Musang. Ganon pa man, di pa rin matiyak ni Acosta kung ang nakikita ay mga kalaban. Isa sa importanteng ipinapatupad ng pamunuan ng Army ay ang pagsigurado sa katauhan ng kaaway at ang tamang gamit ng pwersa laban sa kanila. Isang diskarte ang naisip nya. Lalapitan at kausapin nya ang mga taong nagbobolahan habang nakabantay sa likod ang iba na nakatutok na rin sa pwesto ng mga pinaghinalaang bandido.

"Mark, samahan mo ko at pati ang ating Lead Scout. Dapat sigurado tayo at baka naman ordinaryong sibilyan ang mga iyan." Walang pag-atubili na pumayag si Maristela dahil ito ay naaayon sa kanilang taktika at pamamaraan na kung tawagin ay leaders recon. Kinausap niya lahat ang mga naiwan sa kanilang contingency plan. Klaro ang bilin nya: "Walang iwanan!"

Nakahanda ang kanilang mga baril, pinuntahan nina Acosta at Maristela ang mga bandido para kausapin. Para sila ay mapansin, binati ito ni Acosta at nginitian. "Magandang umaga mga kasama, bakit dito kayo nagbobolahan sa may ilog?" Nang lumingon ang mga tao, tila nakakita sila ng multo. "Mga kasama, sundalo!"

"Pak, pak, pak!"  "Droooooooop!"

Humaging ang mga punglo sa mula sa mga bandido na nakapwesto sa likod ng mga puno. Kanya-kanyang dampot ng baril ang lahat ng bandido. 

"Fire!" Kanya-kanyang umang sa nakikitang kaaway silang tatlo na kaharap mismo sa mga kaaway. Wala silang makukublihan at panalangin na lang ang panangga. Tumitilamsik ang mga bala gahibla na lang sa kanilang pwesto. "Diyos ko po!"

Sa kanilang likuran, nagsimula na ring pinutukan ng overwatch elements ang karamihan pa sa mga bandido na nasa isang bahagi ng ilog. Walang paltos ang pag-awit ng K3 Squad Automatic Weapon sa pagsuporta nito sa kanilang tatlo na nasa bingit ng tiyak na kamatayan.

Pagkatapos ng ilang minuto, nakahandusay ang tatlong patay na bandido sa kanilang harapan. Palayo-nang palayo ang putok ng iba pang nagsipagtakbuhan bitbit ang iba pang mga tinamaan. 

Nagsagawa sina Acosta ng clearing operations nang may sumigaw sa likod ng isang puno:"Susuko na po ako!"

"Itaas ang mga kamay at itapon ang baril!" 

Nang nakita nya ang kaaway, naramdaman nya ang awa. Inosente ang kanyang mukha. Kahit inis sa muntik na nyang kamatayan, ang kaaway ay kanyang pinagsabihan: "Para ka lang inutusan na bumili ng suka!"

Nalungkot sina Acosta at Maristela sa inabot ng mga namatay na mga kababayan. 

Para sa kanila, trabaho lang, walang personalan. 


Inusisa ni Lt Gen Eduardo Ano,  Punong Heneral ng Philippine Army ang mga armas at mga bomba na nasamsam ng yunit ni Acosta at Maristela sa kanilang matagumpay na pakikipagbakbakan sa mga bandidong NPA sa Caramoan, Camarines Sur.


Nagawaran ng Gold Cross Medal, pangatlo sa pinakamataas na combat medal para sa  katapangan, si 2nd Lt Raydez Acosta na tubong Pigcawayan Cotabato. Si Acosta ay miyembro ng OPC Class 61-13. Sya ay dating EP nang nagsanay bilang Scout Ranger sa SR Class 155 na kung saan ako ang Course Director. Natapos nya ang kurso bilang miyembro ng SR Class 156. Sya rin ay Top Gun sa Rifle at Pistol marksmanship training na dinaluhan sa Marksmanship Training Unit.

Promosyon naman ang inabot ni Ranger Maristela na tubong Albay, dahil sa kanyang naipakitang kagalingan sa pagdadala ng tao sa naturang labanan. Di rin matatawaran ang kanyang katapangan sa nasabing labanan. Pinagpaliban ni Ranger Maristela ang pag-aasawa dahil sinusuportahan nya ang pag-aaral ng lahat ng kanyang kapatid. Pagkatapos na mapa-graduate ang isa sa Nursing, pinapatapos naman nya ang dalawa pang kapatid na nasa kolehiyo. 


6 comments:

  1. Salamat sa kabayanihan nila Lt. Logronio malaya ng nadadaanan ang kalsada patungo sa Caramoan.

    ReplyDelete
  2. Ang galing ni Sir Acong! Buti di bumigay ang knee cap,hehe ☺

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tanungin mo kanino sya natuto ng short range marksmanship. :-)

      Delete
    2. Tanungin mo kanino sya natuto ng short range marksmanship. :-)

      Delete
  3. Regular po ba ulit yung blog nyo sir? Antagal nyo kasi nawala.

    ReplyDelete