Pages

Tuesday, January 01, 2013

My birthday tradition: Making poor urban people smile

Tuwing bagong taon, nakagawian ko nang umikot sa mga kalsada para pumili ng mga taong mapapasaya. Ito ay parte ng aking birthday celebration na kung saan ay mas piliin ko pang ibigay na lang sa nangangailangan ang dapat gastusin para sa isang party na mga may kakayanan namang kumain ng masasarap na pagkain ang magtatamasa. Ang mga taong aking hinandugan ng munting regalo ay pawang kapos sa buhay ngunit merong mga makukulay na kwento.

Ang nasa unang larawan ay si Carlos Canlas, 50, na tubong Orani, Bataan. Sya ay dumayo sa Manila upang makipagsapalaran upang matustusan ang kanyang pamilya. Humigit kumulang sa dalawang buwan na syang nanirahan sa mga iskinita dahil hindi pa sya natatanggap sa inaplayang trabaho bilang latero at welder. Nagkakalakal na lang muna sya ng pambili ng pagkain habang naghahanap ng mapasukan.

Ito naman ang mag-asawang Tomas at Celestina Rabino na nakatira sa isang kariton. Sila ay tubong Romblon ngunit matagal nang naninirahan sa mga iskinita ng Maynila pagkatapos na matanggal si Mang Tomas bilang isang family driver.

Ito naman si Mang Potpot Alano, 50, na isang basurero. Inakala pa nya ay isa akong pulitiko na namahagi ng pamasko.

Si Mang Felix Rillon, 68, ay taga Oas, Albay. Isa syang basurero at matagal nang nanirahan sa Manila.

Si Alvin Radaja, 22, ay taga Sipocot, Camarines Sur. Natanggal sya sa trabaho bilang mason sa construction company at mahigit isang buwan nang nagpalaboy para makakain. Napaiyak sya ng aking kinausap at pinakinggan dahil ako lang daw ang kumausap sa kanya ng matino nang sya ay naging palaboy. Seryosong nakikinig ang aking anak sa kanyang kwento tungkol sa hirap ng buhay. Lagi ko namang pinapaalala sa kanya na kami ay napaka-swerte dahil hindi kami ang ipinanganak na naging 'isang kahig, isang tuka'. Ito rin ang aking pamamaraan upang simulan ang pagtuturo sa kanya ng pagtulong sa komunidad na ginagalawan.

Si Romeo Masiglap, 65, ay isa ring basurero na nakatira sa kariton simula nang sya ay nag-asawa. Natutuwa ako sa kanya dahil malulusog ang alaga nyang aso at pusa na kasama nya sa karitong natutulog.

Si Jose Mendoza, 67, ay tubong Rosales, Pangasinan. Ilokano ang aming usapan dahil nakwento ko sa kanya na matagal ako sa Baguio. Tinatahak nya ang Novaliches patungong Manila araw-araw upang makalikom ng pambili ng pagkain. Ang average daily income nya ay P110.00.

Si Romy Mendoza, 41, ay taga Catarman, Samar ngunit matagal nang nakikipagsapalaran sa Manila. Sa kariton din sya nakatira at namamalimos para merong malikom na salapi pambili ng pagkain sa araw-araw.

Si Cheche Rolida, 58, ay tubong Bulan, Sorsogon at matagal nang naninirahan sa Manila upang maghanap-buhay. Sa dami ng anak at mga apo, namamalimos sya para pambili ng pagkain. Nilisan nya ang Sorsogon dahil sa hirap ng buhay sa kanilang lugar ngunit tila mas mapait pa ang kapalaran na inabot sa syudad na napuntahan.

Si Aling Salvacion Lauta, 66, ay galing din sa Sorsogon ngunit dumayo sa Manila sa paniniwalang mas maginhawa ang buhay dito. Dahil sa hirap ng buhay ay namamalimos na lamang sa mga iskinita.

Why share?

Ika nga ay hindi naman kailangang multi-millionnaire kagaya ni Warren Buffet, Bill Gates at Henry Sy para makatulong sa iba.

Kailangan nga lang ay kahit papaano ay nakakaangat ka sa buhay at may extra-pondo para mai-share sa mga nangangailangan. Paano ka nga naman makakatulong sa iba kung sarili mo ay hindi mo matulungan?

Hindi ako mayaman ngunit marami-rami na rin ang aking biyayang natatanggap,  at ito ay lagi kong ibinabalik dahil sa aking paniniwala na "kung ano ang itinatanim, ay sya ring aanihin".

3 comments:

  1. mabuhay ka sir sana marami pang tao katulad mo......sana marami pang blessings ang matatangap mo....belated happy birthday....

    ReplyDelete
  2. Ang galing! Gustung-gusto ko ang idea ninyo. I will begin to do the same. Kano ako at tulong ako maraming tao diyan sa Pilipinas, pero mas special na ang birthday ko, kasi makakatulong sa same spirit ni "Ranger Cabunzky". Salamat po sa inspiration. Tama ka. Kahit hindi ako mayaman, pero pa para sa give sa iba.

    ReplyDelete
  3. mabuhay ka po sir..hope na magkita tayo sir sa personal para nman po makapapicture po ako sayo..

    ReplyDelete