Pages

Wednesday, January 30, 2013

Ang aking pansit Molo



Pagkatapos ng Company Refresher Training ng aking pinamunuang 10th Scout Ranger Company, inatasan ako na ihanda ang tropa para sa deployment nito sa Panay island noong taong 2000.

Na-train ko na ring mabuti ang aking 'parade boys' na galing sa Army headquarters.

Nakabili ako ng mga bagong office equipment lalo na laptop and desktop computers na magagamit sa administrative requirements ng aking mga tauhan.

Napaayos na rin ang aking mga vehicles. Bago ang makina at pati mga gulong. Proud na akong sakyan ang aking astig na M151 Kennedy Jeep.

Bagaman beterano sa pakikidigma ang aking yunit, naging duguan ito sa last deployment sa Basilan.

Naospital ang mga sugatang dating Company Commander at Executive Officer na si 1st Lt Toto Atienza at si 1st Lt Lawrence San Juan pagkatapos ng isang madugong bakbakan sa Baguindan, Tipo-tipo (kilala ngayon sa tawag na Al-Barka) noong Oktubre 1999.

Ang engkwentro na iyon na tumagal ng maraming oras ang pinakamatindi na naranasan ng mga mandirigma ng yunit. Kaya naman ay minabuti ng liderato ng First Scout Ranger Regiment na 'pagpahingahin' ang 10th SRC pagkatapos ng mahigit sa dalawang taong paninilbihan nito sa islang lalawigan ng Basilan simula taong 1997.

 Strike anywhere

Para sa aming mga organic Scout Rangers naman ay laging welcome kung saan man kami i-deploy, maging 'hot spot' man ito ng southern Philippines o kaya sa mga liblib na pook na pinamumugaran ng mga bandidong NPA.

Ika nga ay mga 'bumbero' ang mga Musang. Kung saan ang sunog andon kami. Kung saan merong bandido, doon kami matatagpuan. Bawal kami sa kabihasnan. Bawal kaming pang-porma lang sa mall.

Gusto ko mang isabak sa challenging combat assignment ang aking tropa, naisip ko rin na dapat makakita ng ibang AOR ang aking mga mandirigma na panay Mindanao assignments ang natikman simula noong reactivation ng yunit noong taong 1991, na kung saan nagalugad din nila ang kagubatan ng Surigao del Sur at Agusan del Sur.

Sa mga 'first timers' sa balwarte ng mga ka-Toto, binigyan ko sila ng magandang foresight.

"Gentlemen, pagkakataon nyo nang makatikim ng ipinagmamalaking Pancit Molo sa lalawigan ng Iloilo," biro ko sa aking tropa isang umaga na nagkaroon kami ng troop accounting.

"Magpaturo na kayo sa salitang Ilonggo kay First Sergeant Jerios para matuto kayong makipagbolahan sa mga ka-Toto don sa area."

Sa gitna ng kasiyahan ng mga tropang Ilonggo, napag-tanto ko rin na baka naman ay bigla kaming hugutin at isalang sa Mindanao. Hindi bago sa amin ang mga urgent message na me tatak Z (Zulu) na tipong kinaumagahan agad eh nasa bagong deployment ka na.

Sa mga panahong iyon, tuloy-tuloy ang paghagilap kina Abu Sabaya at Janjalani sa Basilan. Me nagsabi na tumawid sila ng Sulu at nakikigulo sa grupo ni Galib Andang (Commander Robot) at Mujib Susukan at Radulan Sahiron (Kumander Putol).

Maliban pa doon, kasalukuyang me hawak na mga foreign hostages galing Sipadan, Malaysia ang grupo ni Kumander Robot. Lagi silang nasa headlines. Naiinis kaming lahat sa pagyayabang nila.

Nagkakutob ako na baka naman ipapadala kami don. Lalo kong pinaigting ang paghahanda sa mga sundalo para sa posibleng combat deployment kahit pa man, walang pagbabago sa Warning Order (W.O.) na sa Iloilo ang aming mapupuntahan. Well, sa aming mga Scout Rangers, tanggap na namin ang katotohanang pang-gyera ang aming yunit. Kahit saan, kahit sino kalaban. Kung ayaw ng iba, tawagin ang Musang.

Pancit Molo

Nang kami ay inilipad papuntang Iloilo City noong August 4, 2000, don ko lang nasigurado na talagang Panay Island ang aming mapupuntahan para palitan ang 3rd Scout Ranger Company doon.

Halos dalawang oras ding kaming nagtitiis sa masikip na espasyo ng C-130 cargo plane na humihitik sa dami ng pasahero at mga kagamitang aming dala. Pati Kennedy vehicle ko ay sinama kong ikarga.

Paglapag namin sa Iloilo City airport, nakita namin ang tropa ng 3rd Scout Ranger Company na naka-antabay para sa aming 'Relief-in-place'. Merong simpleng welcome ceremony para sa amin at send-off naman para sa 3rd SRC na karamihan ay mga Ilonggo. Marami sa kanila ay hindi ngumingiti maliban sa kanilang tubong Maynila na Company Commander na si Lt Rommel Pagayon.

Nang hinakot na ang aming tropa at kagamitan papunta sa Camp Hernandez, 'all eyes' kami sa kakaibang tanawin sa Iloilo.

"Ito na ang lugar ng sikat na Pancit Molo!"

Nakikita namin ang naglipanang 'batchoyan' at mga lumang mga simbahan.

Palangiti ang mga tao at kinakawayan ang mga sundalo. Feeling pogi naman ang aking mga sundalo kapag naka-smile ang mga nag-gagandahang Ilongga na nakikita sa daanan.

Napansin namin ang kaibahan ng Basilan at Iloilo. Halos lahat ng lugar ay me pananim. Sa urban areas,  nakikita ang kaunlaran.

Ganon naman, batid namin na meron pa ring mga bandido sa mga liblib na lugar kagaya ng hinterlands ng Tapaz, Capiz.

Hindi bakasyon ang aming deployment. Kaya nga nilagay kami dito dahil meron kaming trabaho at yon ay upang lipulin ang mga magugulong bandido.

Sa weekends, hinahayaan ko rin ang aking tropa na makakapagbisita sa kabayanan para makapag adjust sa bagong environment nila.

Don na sila tumikim ng ipinangalandakang Pancit Molo na talaga namang napakasarap diumano sabi ng mga Ilokano at Bisaya na nakatikim.


New home

Hindi naman umabot ng isang oras ang byahe papunta sa aming destinasyon.

Nakita ko sa gilid ng highway ang sign board: "Welcome to Camp Hernandez".

Excited ako sa aking bagong bahay at bagong makasalamuhang mamamayan.

Pinalinisan at pinaayos ko agad ang lahat na pasilidad ng aming kampo. Pinatabasan ko ang likuran at nagpagawa ang ng vegetable gardens. Bawat team, isang garden.

Nagpagawa rin ako ng kulungan ng aalagaang manok. Pang-ulam po, hindi panabong. Me shoot-to-kill order ako parati sa panabong na manok. 

Dahil batid kong anytime ay ma-deploy kami para labanan ang mga bandidong NPA, ipinagpatuloy namin ang aming training activities. Pinaigting namin ang small-unit operations.

Nagpaalam ako sa Mayor para mag-firing sa likurang bahagi ng kampo na walang tao. Sinigurado kong bihasa sa pakikipagbarilan ang aking mga sundalo.

Lagi kong pinapa-high morale ang mga 'parade boys' na kaya nga nila ang ginagawa ng mga graduate ng Scout Ranger Course.

Pancit Jolo

Iilang linggo pa lamang kami doon sa lugar nang natanggap ko ang radio message mula sa higher headquarters na kami ay isasabak sa Sulu para i-rescue ang mga kidnap victims na mula sa Sipadan, Malaysia.

Ito yong sumalubong sa akin na radio message na iniabot ng aking radio operator:

"YOU ARE DIRECTED TO PREPARE FOR A 2-WEEK COMBAT MISSION IN SULU PROVINCE".

"Wow, gyera uli. Ang pancit Molo, naging pancit Jolo!"

In a way, excited ako kasi siguradong umaatikabong bakbakan ang susuungin namin. Sino ba naman ang hindi excited na makapagparusa sa kabulastugan ni Galib Andang? Nababalitaan namin ang pangri-rape nila.

Sa 'on cam' interviews, hinahamon nila ang mga sundalo. Sa downtown Jolo, nililikida nila ang mga tropa at isa dito ay miyembro ng First Scout Ranger Regiment.

Dahil umaatikabong aksyon ang aming puntahan, nagpabili ako ng Medical Kit. Sa panahong iyon, hindi pa standard issue sa squad ang Combat Life Support (CLS) Kit na meron ngayon. Thank you sa nakaisip nyan.

Nagpabili ako ng IV fluids, pang blood clot, mga tabletang gamot sa ordinaryong karamdaman kagaya ng pagtatae, lagnat, pang-anti malaria, at.............

"Sir, isama natin ang female napkins!" Sabi yon ng aking Executive Officer na si Lt Marlo Jomalesa.

"Iyan ang pang-lagay natin sa mga sugat lalo na chest wound, habang inaantay ang MEDEVAC." Narinig daw nya yon sa mga advices ng mga doktor pagkatapos na nasawi sa chest wound ang bayaning si Lt Jake Paler, ang pinuno ng 18th Scout Ranger Company na nasugatan sa Central Mindanao noong taon ding iyon. Natututo kami sa mga actual experiences.

Akala ko ano na, bakit gagamit ang Rangers ng Whisper! Pinagbigyan ko na, para sa tropa eh.

"Okay, pumakyaw ng napkins!".

Minabuti ng aming astig na Medical Aidman na si Cpl Jose 'Toto' Legaspi na turuan uli ang bawat miyembro ng teams na designated bilang aidman. Tinabas din nila ang mga napkin at distributed sa mga teams kasama ang mga gamot. Lalong naging feel ng mga baguhan na bakbakan nga ang pupuntahan namin. 

Pinaparamdam ko sa tropa na gagawin namin ang lahat na magamot agad kung sino matamaan o kaya ay magkasakit habang nasa bundok kami na naghahagilap ng mga bandidong Abu Sayyaf.

Kinausap ko nang masinsinan ang aking mga sundalo na dapat maging positibo ang isipan sa lahat ng panahon.

"Tayo ay Scout Rangers at tayo ay laging pinagkakatiwalaan sa mga mabibigat na mission. Kalimutan nyo na muna ang Pancit Molo nyo, humandang namnamin ang Pancit Jolo!

"Walang iwanan!"


(Abangan ang karugtong)

No comments:

Post a Comment