Pages

Tuesday, January 08, 2013

Ang aking istilo ng leadership

BEST COMPANY STREAMER ang isinabit ni dating punong heneral ng Philippine Army na si  Lt Gen Jaime Delos Santos, sa company color ng 10th Scout Ranger Company na itinanghal bilang Best Company for Admin and Operations noong Nobyembre 25, 2001. Kasama rin sa larawan si dating First Scout Ranger Regiment Commander Col Gabriel Ledesma at si SOCOM Commander MGen Delfin Lorenzana. Nasungkit rin ng aking kumpanya ang Best Company for Administration Streamer sa taong 2000. (10SRC Photo) 



Sa militar, marami ang mga istilo ng pagdadala ng tao dahil ika nga, leadership is an art.

Merong mga established leadership principles sa military organization na minsan ay mino-modify lamang at nakikita mo rin sa mga civilian institutions.

Kahit sa mga banal na aklat kagaya ng Koran at Bibliya, napakarami ng natutunan nating mga istorya tungkol sa leadership.

Si Muhammad (PBUH) ay kilala sa kanyang kagalingan ng pagdadala ng tauhan hindi lamang sa mga bakbakan, ngunit pati na rin sa pagpairal ng disiplina at pagkakaisa ng komunidad ng Muslim sa kanyang kapanahunan.

Sa Bibliya naman ay makikita mga magagaling na pinuno na kagaya nina Gideon, Moses, at Hesus.

Marami sa mga nabanggit na mga kasulatan ang aking napag-aralan pati na rin ang mga naituro ng aking amang magsasaka noong aking kabataan. Lingid sa aking kaalaman, ang kanyang mga  naipamahagi ay mga leadership techniques na aking napakikinabangan sa aking buhay.

Maliit pa lang ako ng ako ay elementarya pa lamang, tinuturuan na akong maging matapang sa mga hamon sa buhay.

Lagi akong isinasama ng aking ama sa aming sakahan at minsan-minsan ay iniiwan na mag-isa sa aming kubo na mga 6 kilometro ang layo mula sa aming bahay.

Doon ko rin natutunan ang unang pamamaraan ng pamumuno ng tao sa aming sakahan. Dahil kami ay merong pinapatrabahong mga tauhan, sinasamahan ko ang mga ito sa pagtatabas ng aming palayan o maisan.

Napakainit, makati sa katawan at nakakapagod ang trabahong magsasaka ngunit ito ang aking unang classroom sa pagdadala ng mga tauhan.

Para hindi sila patulog-tulog o pabagal-bagal sa trabaho, dapat ay pangunahan ko ang pagtatabas na nasa tamang bilis para hindi lugi sa pasweldo. Kinalaunan ko na lang na-realize na leadership by good example pala iyon.

Samantala, iniintindi namin ang mga pangangailangan ng aming mga tauhan.  Nakikihalubilo kami sa kanila ng mabuti at tinatrato namin silang patas bilang taong merong dignidad. Dito ako natuto sa kanilang sariling salita at kultura ng katutubong Manobo.

Nang pinili kong manilbihan bilang isang kawal, don ko natutunan ang mas marami pang mga leadership principles.

Sa  pagkadete sa PMA ko nakilala ang mga iniidolong mandirigmang pinuno sa pagdadala ng tao na kagaya nina Alexander the Great, Hannibal, si Genghiz Khan at marami pang iba.

Magaling na pamumuno

Malaki ang aking paniniwala na talagang walang ipinanganak na magaling na lider na kagaya ng mga sinaunang paniniwala na kung saan ang pagiging Hari ay mana-mana lamang.

Kung anak ka ng magaling na Heneral ay hindi iyon ibig sabihin ay magaling ka na rin dahil sa apelyido na iyong dala.

Hindi rin totoong kapag matalino o henyo ay magaling na sa pamumuno. Katunayan ay hindi sumikat si Rizal bilang pinuno kundi ang kagaya ni Andres Bonifacio at maging si Jesse Robredo.

Dahil dyan, nagpapatawa ang nagyayabang na magaling diumano sila na lider o opisyal dahil sila ay Deans Lister at panay 90+ ang mga grado sa kanilang mga kursong kinuha.

Ang kagalingan sa pamumuno ay hindi sa mga grado sa silid-aralan ngunit kung ano ang kinahinatnan sa kanyang pinamumunuan na dapat masagot sa simpleng katanungan: Naging magaling ba ang yunit o opisina? Naging matino ba ang mga tauhan? Naging agent of positive change ba ang naturang lider?

Para maging magaling na pinuno ay dapat merong pagmamahal sa kanyang ginagawa ang isang lider. Inuuna nya ang kapakanan ng organisasyon kaysa sariling interes. Dapat positibo ang pag-iisip nito, marunong gumawa ng paraan,  at hindi panay reklamo sa mga problemang nasusuungan. 

Ginagawa rin dapat ng isang lider para umunlad ang kanyang kaalaman sa mga bagay-bagay na kinakailangan para sa kanyang pamumuno, at ang kaalaman na ito ay ipamahagi sa mga tauhan para mapalaganap ang kagalingan ng lahat.

Isa rin sa mahalagang ginagawa ng lider ay dalhin sa tamang direksyon ang kanyang yunit o organisasyon. Dapat klaro ang kanyang gustong abutin at naipaiintindi nya ito nang mabuti sa bawat isa sa kanyang mga tauhan.

Hindi dapat isantabi ang kahalagahan ng integridad ng isang pinuno. Napakasimple lang ito: gawin mo ang iyong sinasabi at wag maging 'plastik'.

Para maipakita ito, mahalaga ang pagpapairal ng transparency lalo na sa pamamahala ng unit funds. Sa aking kumpanya, ang pondo ay hawak ng Ex-O, First Sergeant at Finance NCO at kahit sino ay pwedeng tumingin saan napunta ang aming kapiranggot na kayamanan.

Ito na marahil ang hindi nagagampanan ng maraming mga naitatalagang lider. Problema nga naman kung nagpapasunod ka ng isang kautusan ngunit ayaw mo itong gagawin.

Sa militar, ang matino at magaling na lider ay nagsasabing: "Attack, follow me!". Samantala, ang balasubas at nakakahiyang lider ay nagsasabing: "Attack, I will follow you!" at "You must behave properly (except me kasi opisyal ako)".

Nang ninais kong magmukhang karespe-respetong sundalo ang hitsura ng 10th SRC, nauna akong magpagupit ng maayos at sumunod na silang lahat.

Hindi naman sa lahat ng panahon na literal ang  ibig sabihin sa leadership by good example ngunit ang pinakamahalaga dito ay nakukuha ng isang lider ang respeto ng mga tao dahil sa ipinapakitang kagalingan, katinuan at pagkakalinga sa mga tauhan.

Napakahalaga para sa isang lider na kaya nyang intindihin ang nasa puso't isipan ng mga tauhan. He must be able to touch the hearts of the subordinates, at kung magagawa nya yon, siguradong hindi rin sya iiwan nito maging buhay man ay nakasalalay.


Caring for the soldiers

Sa mga sundalong Pilipino, tinitingala ang lider kung ito ay matino (hindi magnanakaw, makasarili, balasubas at kupal), magaling (maraming alam na soldiery skills o sa  pagdadala ng tao, at magaling na maghanap ng solusyon ng problema), at syempre, marunong tumingin sa kapakanan ng mga tauhan.

Sa pagtingin ng kapakanan ng mga tauhan, dito naman ibabalanse ang para sa organisasyon at para sa sarili. Kung hindi kasi aware ang lider, panay pagbibigay na lang pala sa kapritso ng tauhan ang ginagawa under the guise of 'morale and welfare'.

Para sa akin, ang tunay na 'caring for the soldiers' ay hindi lamang sa pagtitingin sa mga bagay na dapat maibigay sa kanila para sila ay mapasaya. Dapat, sinisigurado at tinitimbang ng isang lider ang importansya ng pagpairal ng disiplina na kung saan ay merong pagkakataon na dapat ang misyon o tungkulin sa bayan ang dapat inuuna.

Halimbawa, kung pag-bigyan lagi ang tauhan na mag-AWOL o mag extend ng leaves dahil sa pagbibigay ng 'morale', nasasakripisyo naman ang disiplina. Maliban kung tunay at makatotohanang 'emergency situations' ang dahilan, hindi ito dapat pinapabayaan.

Sa mga panahong merong misyong dapat isakatuparan, ang disiplinadong sundalo ay hindi magdalawang isip na isantabi ang para sa sarili dahil sa military service ay 'mission comes first before self'.

Meron ding mga sitwasyon na ang mga sundalo ay gustong gawin ang mga bagay na labag sa pinapairal na military discipline dahil ito ay nakakapagpasaya sa kanila. Ang mga ehemplo nito ay ang pagpapahaba ng buhok (feeling cool ala James Bond), paglalasing na naka-uniporme, pagsasabong o pagsusugal sa kampo at maging ang pag-babalasubas ng uniporme.

Of course, andyan din yong mga sundalong tila ay ginagawang bakasyunan ang serbisyo, ayaw dumanas ng mahirap na assignments at walang 'attitude' na gumawa ng mahihirap na mga tungkulin. Ito yong tipong kamas-kamas magtrabaho at hindi makapag-keep in step sa lahat dahil sa masamang ugali.

Napakahalagang pinapairal lagi ang disiplina dahil ang sundalong walang  disiplina ay isa sa pinakadelikadong nilalang sa mundo.

Isipin mo na lang kung ang mga sundalong pinayagan mong mag-iinuman dahil sa 'morale and welfare', ay nagbabarilan tuwing nalalasing o kaya mga trigger-happy na hindi kumikilala sa kautusan ng mga pinuno.

Para walang mangyaring disgrasyang nagkakabarilan sa inuman, simple ang aking polisiya:


   1. Wag uminom kung may duty o incoming mission;
   2.  Bawal uminom na walang rason (bday, anniversary celebration, promotions) at mas lalo na kung walang pambayad;
   3.  Walang magsuot ng uniporme sa inuman lalo sa public places;
   4.  Dapat magpaalam na iinom at may NCO na namamahala;
   5.  Kung may scheduled physical training exercise kinaumagahan hindi pwede excused ang naglasing sa gabi;
    6. Kapag merong nagpasaway, kasalanan ng NCO at mapasama sa makasuhan;
   7.  Kapag humawak ng baril at namumutok pag nalasing, tandaan na ako ay hindi mag hesitate gumamit ng shooting skills para ipagtanggol ang iba (at kaya kong magpatama sa layong isang kilometro).
  

(Note: Sa awa ng Diyos wala ni isang sumubok na sumuway sa aking kautusan na ito)


Conclusion

Ating mapapansin na paiba-iba ang istilo ng leadership na ginagamit sa mga opisina o yunit dahil sa kakaibang sitwasyon na kinakaharap.

 Napakarami ang mga teknika ng pamumuno na pwedeng gamitin ngunit ang bottom line ay: Leadership is about influencing others. Kung papano isinakatuparan ang art of influencing, nakukuha ito sa pagsisiyasat at pag-aaral.

 Sa militar, mas napapadali pa ang pagpapasunod dahil kapag naitatalaga ang isang pinuno ay meron itong authority at powers sa mga taong pinamumunuan. Ngunit, hindi sa lahat ng panahon na idinadaan sa ranggo o pwestong hawak ang pagpapasunod sa mga subordinates dahil after all, pangsamantala lang ang lahat (ranggo, pwesto at serbisyo).

Para sa akin ang epektibo na military leader ay kinakatakutan kung kailangan,  at nirerespeto sa lahat ng pahanon dahil sa angking katinuan at kagalingan at pagmamahal sa serbisyo.
Yan lang ang paraan para maitataguyod ang mga reporma na kailangan sa organisasyon. 

No comments:

Post a Comment