Pages

Saturday, October 20, 2012

Ang aking karanasan sa Tuburan, Basilan: Lead the way, walang iwanan!


Makikita sa larawan ang aking mission briefing para sa mga mandirigmang Musang bago sumabak sa combat mission. Makikita sa likuran ang iilang tropa na nagmamatyag sa paligid dahil ang TCP ay nasa balwarte ng Abu Sayyaf. (10SRC photo)


Noong January 2002, pito pa rin ang mga Scout Ranger Companies ang naka-OPCON (Operational Control) sa 1st SRB. Kasama rito ay ang aking kumpanyang 10th Scout Ranger Company, 3rd Scout Ranger Company na pinamunuan ni 1st Lt Marlo 'Joma' Jomalesa, 7th Scout Ranger Company na pinamunuan ni 1st Lt William Upano, 15th Scout Ranger Company na pinamunuan ni 1st Lt Oliver 'Boy' Almonares, 1st Company na pinamunuan ni 1st Lt Jeffrey 'Jepoy' Cauguiran, 14th Scout Ranger Company na pinamunuan ni 1st Lt John Andres at ang 12th Scout Ranger Company na pinamunuan ni 1st Lt Boix Dingle.

Dalawa lang kaming opisyal sa aking kumpanya. Si 2nd Lt Ramon 'Mon' Gurat na bagong graduate ng SR Class 143 ay pumalit kay 1st Lt Marlo Jomalesa bilang aking EX-O.

Magaling na lider ang aking dating EX-O na si Joma. Kung wala ako at sya ang may dala sa tropa, umiiskor pa rin sya at hindi namamatayan. Kung sya rin ang nasa aming headquarters at ako ang nasa bundok, kampante ako na nagagawa ang lahat na administrative functions ng kumpanya at panay pirma na lang ako tuwing ako ay nakakababa sa aming kampo doon sa Camp Teodulfo Bautista sa Sulu at sa aming bagong nilipatan sa Bgy Cabunbata, Isabela City, Basilan.

Kaya naman, nang sinabihan ako ni Major Corly Vinluan, ang aming G3 (Operations Officer sa FSRR) na itatalaga na ng aming Regiment Commander na si Col Gabriel 'Bing' Ledesma si Joma bilang pinuno ng 3rd SRC, hindi na ako nag-atubiling i-release sya dahil 'hinog' na sya para maging Company Commander, kahit pa man ang ibig sabihin nito ay mag-isa na lang akong opisyal sa 10th SRC.

Mentoring leaders

Ayon sa tradisyon sa First Scout Ranger Regiment (FSRR), ang mga bagong tenyente ay dapat inalalayan bago ito bibitawan.

Ang ibig sabihin nito, kailangang samahan muna ng senior officer ng company sa mga military operations upang mabigyan ng tamang ehemplo sa pagdadala sa mga tropa.

Ganito rin ang ginawa sa akin ng aking Company Commander sa 7th Scout Ranger Company na si 1st Lt Jason Aquino nong ako ay segunda kamote.

Halinhinan sila ni 1st Lt Michael Banua bilang aking ka-buddy sa mga operasyon sa Bulacan at sa Maguindanao-Cotabato area.

Generally, mas nirerespeto ng mga sundalo ang isang opisyal dahil sa kagalingan nito sa pagdadala ng tao lalo na sa mahihirap na sitwasyon sa bundok, at hindi sa dami ng kurontong o certificates ng mga natapos na kurso.  

Kahit kasi ma-USMA (United States Military Academy), PMA (Philippine Military Academy) o OCS (Officer Candidate School) ang pinanggalingang institusyon ng mga opisyal, hindi lahat ng bagay sa frontlines ay agad nilang malalaman. Ang ibang opisyal na ipinagyayabang ang kanilang pinanggalingan ngunit hanggang porma at bolatik lang naman,  sila ay natatagurian silang "Pure forms, no substance"

Napakaraming hindi nakasulat sa libro ang dapat matutunan at tanggapin at hindi pwedeng ipangalandakan mo lang ang iyong mga napag-aralan sa loob ng military institution, para sabihing alam mo na ang lahat na kalakaran. 

Kahit puno ng teorya sa leadership at management, mga makabagong doktrina at stratehiya, iba pa rin ang mga realidad sa mga yunit at sa mga area na ginagalawan. At, noong aming kapanahunan nang kami ay kadete sa PMA ay hindi naman napag-aaralang mabuti sa loob ng classroom ang mga napakahalagang kaalaman kagaya ng military history of the armed conflict in Mindanao at ano ang mga 'lessons learned' dito.

Nang magreport si Lt Gurat sa aking kumpanya, umabot na ring dalawang buwan na ako lamang mag-isa ang kasamang opisyal ng mga tropa sa kagubatan ng Sampinit Complex (Isabela-Maluso-Sumisip) sa aming pagtutugis sa mga bandido sa naturang lugar.

Bago pa man sya dumating, nakahanda na ang lahat na mga Leader's Checklist para maging gabay nya sa kanyang mga responsibilidad sa aming yunit.

Kasama sa pinaaral ko sa kanya ay ang tamang pamamalakad sa kumpanya kagaya ng transparency sa aming pondo na hawak ng Finance NCO at ng First Sergeant, Personnel Administration na kasama ang Rewards and Punishment system, MOWEL (morale and welfare) programs at training program.

Ipinaliwanag ko rin ang mga TTPs (techniques, tactics and procedures) sa pakikidigma sa mga bandido sa Basilan na merong kaibahan sa pakikidigma sa mga NPA.

Tinalakay ko ang kahalagahan ng pag-aaral sa kasaysayan ng Mindanao at ang ugat ng pakikipaglaban ng mga kapatid na Muslim, at ang tunay na mukha ng tinatawag na Abu Sayyaf.

Ipinaliwanag ko na hindi lahat ng mga Muslim ay masasama ngunit maaaring ang iba sa kanila (lalo na ang mga hindi nakapag-aral) ay galit sila sa presensya ng mga Kristiyano na nasa kanilang komunidad.

Sinigurado ko itong maiintindihan nyang mabuti kasi sya ay lumaki sa lalawigan ng Quirino at iba ang kinamulatang kultura at kapaligiran.

Sa panig ng aking NCOs (non-commissioned officers) ay binigyang diin ko ang importansya ng pag-alalay sa bagong saltang mga opisyal. Pinaalala ko sa kanila ang kanilang responsibilidad na maging adviser sa mga LT (tinatawag nilang El-tee o kaya ay Segunda Kamote).

Kahit pa man ang final decision ay sa opisyal, dapat ay mag-mungkahi sila ng mga options lalo na kung ang pag-uusapan ay 'life and death' situations na kung saan ang buhay nilang lahat ang nakasalalay.

Bahagi ng pag-siguro na magkaroon ng tamang leader' transition, sinasamahan ko si Mon sa unang mga operasyon upang maging katanggap-tanggap sya ng aking mga tauhan. Sa Scout Rangers kasi, iba na ang may pinagsamahan. Kapag ikaw ay pinagkakatiwalaan ng iyong mga tauhan, kahit sa bingit ng kamatayan, lagi silang nasa tabi mo lang.

Sa aming unang mga pagsasama sa mga operations, ako muna ang laging nasa harapan at ipinaliliwanag ko parati ang dahilan kung bakit namin ginagawa ang isang diskarte.  "Do as I do. Watch and learn. Absorb what is useful to you. Follow me!".  


TCP operations

Dati nang nakaranas si Lt Gurat ng bakbakan ng sila ay nag-test mission sa Basilan. Sila ang nakasagupa ng mga bandido sa Sampinit Complex noong June 2001 at naging blocking unit sila sa isa sa matinding bakbakan na aking naranasan sa Danit Puntukan, Lamitan, Basilan noong July 11, 2001.

Ganon pa man, gusto kong makita mismo kung paano ang kanyang reaksyon sa bakbakan. Dapat ay ako ang kasama nya at makikita ko ang kanyang stability under pressure.

Nang mag-Test Mission ang SR Class 145 sa Basilan simula noong January 2002, isa kami sa tinatawag na 'buddy companies' na inaatasang alalayan ang mga estudyante ng Scout Ranger Course.

Sa plano na inilatag ng aming Battalion Commander, ang aking yunit ay ginawa nyang Reserve at kasama nya sa Tactical Command Post sa bayan ng Tuburan, Basilan.

Dahil marami sa aking kasamahan ang na-wounded sa mga nakaraang mga bakbakan, kokonti na lang ang aking dalang tropa. Ang iba sa kanila ay twice o thrice nang nasugatan ngunit, palaban pa rin. Ganon ang buhay mandirigma eh.

Three teams lang sila na dala nina Staff Sergeant Rodel 'Boni' Bonifacio, Staff Sergeant Rosel Tayros at Staff Sergeant Arnold Panganiban. Dalawa kaming opisyal ang sumasama para sa aking intensyon na i-mentor ang aking Platoon Leader/ Executive Officer.

Bilang bahagi ng reserve, nakaantabay lamang kami kapag kinakailangang magpadala ng reinforcement. Naka-standby lang kami kasama ang Battalion Headquarters sa aming TCP sa isang sulok sa gilid ng Mount Matanal, di kalayuan sa Takut-Tangug Bay na tila nag-aanyaya sa amin para maligo.

Dahil ako ang pinaka-beterano sa operasyon sa Basilan (2nd tour ko na dito since 1998), ako ay naging principal adviser ng aming BATCOM. 

Sa TCP, araw-araw naming mino-monitor  ang movements ng mga unit na nagsagawa ng small-unit patrols para hagilapin ang mga bandido na napabalitang nagtatago sa naturang lugar.


Reputasyon ng Tuburan

Dalawang beses ko nang nabisita ang bayan ng Tuburan ang easternmost municipality ng Basilan. Dito rin namin tinutugis ang mga Abu Sayyaf na nagkidnap ng pari at mga negosyante noong 1998. 

Sa panahong iyon, walang municipal hall  o kaya ay health center. Parang nasa estado ng economic backwardness ang lugar dahil napabayaan. Hindi dito nakatira ang kanilang halal na opisyal. Napakahirap ng kalagayan ng mga residente na nag-survive lamang one day at a time sa pangingisda at pag-harvest ng kamanting at niyog.

Nang ako ay nag-usisa sa kanilang mga tahanan, nakikita ko na merong mga frame photos ng mga anak nila na nasa abroad bilang OFWs sa Malaysia, Brunei at maging sa Middle East. Yon lang ang kanilang oportunidad na makaangat sa buhay.

Marami ang niyugan dito ngunit meron pa ring masusukal na gubat sa parte ng Mount Matanal. Sa iilang bahagi nito, meron ding mga nakapag-isip magtanin ng duryan at lanzones at abaka. Sa taba ng kalupaan ng Basilan, tila ay lahat na ata ng punong-kahoy at tumutubo.

Marami ang nagtatanim ng kamoteng kahoy (cassava) na tinatawag rin nilang 'kamanting'. Madali itong alagaan at lagyan lang ng proteksyon mula sa mga baboy damo, ayos na. Halos maintenance-free ang ganong pananim kaya ito ang kanilang paboritong alaga sa kanilang mga maliliit na backyard gardens.

Staple food nila ang kamanting dahil walang palayan sa lugar na ito maliban sa lugar ng mga Kristiyano kagaya ng Lamitan at Maluso.Ginagawa nila itong puto (pyuto sa Yakan dialect) at kinakain nila twice a day.

Ang iilang bahagi sa lugar na ito ay patag lalo na ang parte na malapit sa boundary ng Lamitan. Rolling terrain at may iilang matataas na bundok rin ang matatagpuan dito lalo na sa Sinangkapan at pagkalampas ng Sinulatan at Bohe Tambis. Kalimitan ay paborito ring taguan ng mga bandido ang kasukalan na may high grounds.

Karamihan sa mga residente dito ay ang mga katutubong Yakan, ang descendants ng Orang Dampuans na sinasabing orihinal na mga inhabitants ng isla na ito na kilala sa pre-Spanish times bilang Taguima.

Merong iilang komunidad ng Tausug ang naninirahan dito. Sila yong mga lumipat mula sa mga karatig na isla kagaya ng Tongkil, Bubuan at Sulu.

Meron ding bangayan sa pagitan ng dalawang tribo. Ang mga Tausug na nakatira sa bayan ng Muh Buh ay kaaway ang mga Yakan na nasa Tuburan proper.

Kapag di mo alam ang ganitong awayan ay madadamay ang iyong yunit kasi maaaring isa sa panig nito ay lalapit sayo at magtuturo na may 'Abu Sayyaf' sa kabilang dako, iyon pala ay kaaway lang nila sa 'rido' (clan war). Ito ang lagi naming iniiwasan na mangyari sa aming yunit. Ayaw naming madawit sa mga ganitong bangayan na dapat ay i-resolba ng kanilang mga local leaders sa mapayapang pamamaraan.

Marami na rin ang napapabalitang nagbuwis ng buhay dito sa Tuburan. Nakita ko ang sementong dating kinatitirikan ng kampo ng 24th IB na sinulatan nang pulang pinta: 24th IB 'Wildcat' liberator of Tuburan. Ito ay may katabing pintang itim na sulat na nagsasabing: Talo ang Army dito. Allahu Akbar!

Pati mga Marines ay napasabak din dito sa lugar na ito at pinugutan ang mga magigiting na Marino na inambus dito noong 1990s, kasama ang aking senior sa PMA na si Lt Advincula.

Dito nabulag ang isang mata ng matapang at astig kong mistah na si Lt Ivan Papera,  Platoon Leader ng isang Marine Company na napasabak sa mga bandido dito nong aming kabataan.

Halu-halo na kasi ang mga armadong grupo dito sa Tuburan: merong MNLF na hindi na integrate sa AFP, merong Abu Sayyaf, merong MILF, political armed groups (PAGs) at maging mga ordinaryong sibilyan ay may nakatagong baril sa kanyang tahanan.

Kung noong araw ay 'barong' at 'kris' ang gamit pakidigma sa kapwa tribo at lalo na sa mga umaatakeng Espanyol simula noong 1600s, naging hi-tech na rin sila dahil meron na silang 90mm Recoilless Rifles, Cal 50 Heavy Machine Guns at maraming M16A1 at M14 rifles.

Kung sila-sila ay nag-aaway away (Yakan vs Yakan, Yakan vs Tausug at Muslim vs Christian settlers), ang mga sundalo ay naging 'common enemy' nila kung hindi sila na-engage nang mabuti ng mga pinuno ng militar.

Likas na mababait naman ang mga katutubong Yakan kaya lang tila nang-iisnab dahil ayaw kang kausapin. Iyon pala ay takot makipag usap kasi di gaanong marunong mag Tagalog. Makakaintindi rin sila ng Tausug kaya maigi rin kung ito ay alam na dialect.

Dahil mahilig akong mag-aral ng mga katutubong salita, lagi kong baon baon ang libro na bigay sa akin ng kaibigang Yakan sa Lamitan.

Kahit simpleng greeting at basic conversation ng kanilang dialect ay nakakapagdulot ng konting pagkakaintindihan at sila na ay naka-smile na sayo.

"Assalamu alaikum! Sinne ennen?" (Peace be with you. What is your name?) ang aking karaniwang dayalogo, sinasabayan ng ngiti at ang baril ay nakababa ang muzzle para di sila matakot.

Ang problema minsan kapag nakikipagbolahan na ay nauubusan na ako ng sagot at nagiging sign language na kami.

Meron din naman akong automatic na sasabihin sa kanya bilang paghingi ng paumanhin: "Gai tassabutku" (I don't understand).

Nakikita ko ang kahalagahan na sila ay dapat kinakausap at iniintindi ng mga sundalo. Sa ibang mga sitwasyon, akala nila ay inaatake ng sundalo ang kanilang buong village samantalang mga kidnappers at terorista lang naman pala ang hinahagilap.

Hindi rin kasi maikaila na halos magkakamag-anak rin lang sila dahil sa inter-marriages. Merong Abu Sayyaf na kaanak ang MNLF at MILF. Di rin maiiwasan na magtatago ang iilang kriminal na Abu Sayyaf sa mga komunidad ng kung saan ay meron silang mga kaanak na di sila ipagkanulo.

Sa mga ganitong sitwasyon nangyayari ang 'pintakasi', ang sistema na kung saan ay nakakalaban ng mga sundalo ang lahat na armadong kalalakihan sa mga komunidad na tumutulong sa kanilang kapwa Muslim na sa kanilang paningin ay inaapi ng mga sundalo.

Ganyan ang hitsura ng Tuburan na aking nakita. Ganyan din halos ang hitsura ng lahat ng bayan na aking naikot sa aking pakikipagsapalaran sa loob ng tatlong taon.

Ang Lamitan at Isabela lamang ang naiiba at ang mga ito ay mas mauunlad at moderno ikompara sa lahat na iba pang bayan.

Ang estado ng ekonomiya sa karamihang lugar dito ang unang dahilan kung bakit ang iba ay napipilitan kumapit sa patalim at armas upang lumaban------laban sa kahirapan at laban sa Kristiyano gamit ang sinisindihang galit na nagsimula pa noong panahon ng mga Kastila.



Ang mga mandirigma ng 10th SRC na napagkatuwaang magpakuha ng larawan sa Tuburan, Basilan pagkatapos ng isang matagumpay na operasyon laban sa mga bandidong Abu Sayyaf. Nakikita sa likuran ang Mt. Matanal na kung saan ay naging tagpuan ng mga sundalo at mga bandido. (10SRC Photo)

It's showtime: Fight with me

Noon January 23, 2002, nakasagupa ng pinagsanib na pwersa ng 3rd SRC na pinamunuan ni Lt Marlo Jomalesa at 12th SRC na pinamunuan ni Boix Dingle ang humigit kumulang isang daang bandido sa kasukalan ng barangay Parang.

Dahil sa katapangan ng mga estudyante ng SR Class 145, nakaresponde agad sila at pinagtulungan nilang kalabanin ang pwersa ng mga armadong kaaway. Napatay nila ang iilan sa mga bandido at nakakumpiska ng matataas na kalibre ng baril na naiwan sa encounter site.

Sa ulat ni Joma, nagkahiwalay ang mga armado sa iba't-ibang direksyon. Agad na ipinag-utos ni Lt Col Padua, ang aming BATCOM ang pagsagawa ng tracking operations.

Nanatili kaming nakaantabay para sa mga kaganapan at nilagay ko sa aking mapa ang mga bagong grid locations ng mga units.

Noong ika 25 ng January, bandang 7:00am, sumiklab na naman uli ang labanan nang nag-abutan ang dalawang panig (estudyante ng SR Class 145 na kinabilangan ng aking mistah na si Cpt Darius Resuello, at mga bandido). 

Sa inisyal na report ay meron nang nasugatan na mga estudyante at kailangan itong ma-evacuate. Nakita ko na sila ay isang kilometro lamang ang layo sa aming TCP. 

Nakita ko sa mapa ang kanilang posisyon: Grid Coordinate 23923391, Bgy Lagtang, Basakan, Tuburan, Basilan. 

Ang aking yunit ang nakatalagang QRF (Quick Reaction Force) sa panahon na iyon.

Ipinag-uutos kaagad ni Lt Col Padua na kami ay mag-reinforce. Tinawag ko agad si Mon Gurat na tila ay prepared nang sumabak dahil suot-suot na nya ang full-combat gear nang pumunta sa akin.

"Mon, it's showtime. Tulungan natin ang mga estudyante na mag evacuate ng wounded. Prepare for a short briefing."

Habang nakikinig ang aming Batcom, nag-conduct ako ng mission briefing gamit ang tactical map ng Battalion TCP. Seryosong nakikinig ang aking Platoon leaders, mga Team Leaders at mga miyembro ng aking patrol.

Saulado namin ang mission briefing dahil paulit-ulit namin itong ginagawa. Ito ay may acronym na SMESC.

Situation.
Mission.
Execution.
Service Support. 
Command and Signal.

Ni-review din namin ang Techniques, Tactics and Procedures ng Link-up operations. Syempre, kami ang mobile element at nag-identify ako ng far and near signals pati rendezvous point nang maiwasan ang misencounter. Marami-rami na rin akong nabalitaan na pumalpak dito at naging dahilan ng friendly fire. Mas masakit ata ang bala na galing sa kasamahan.

Sa aking pagtatapos ng 5 paragraph OPORD, ito ay laging sinasabi: "Succession of command. Kung may mangyari sa akin, si Lt Gurat ang mag-assume as acting Company Commander. Ang susunod na hanay ng mga lider ay si Sgt Tayros, Sgt Panganiban at Sgt Bonifacio".

"Sa Signal portion, no change as per SOI (Signal Operations Instructions). Sa aking whistle commands ay no change. Three long whistle means ceasefire kasabay ang tawag sa radio ng RATELO.  One long whistle means fire at sabayan ng command ng lahat na Team Leaders."

"Any questions, suggestions and violent reactions?".

Pagkatapos na maitahi ang lahat na issues and concerns na kaakibat sa plano, minamabuti ko lagi na ipunin ang aking patrol para sa taimtim na pagdarasal. Sa encounter site ay tuloy pa rin ang putukan. Lalong napapikit lahat at seryosong humihingi ng tulong sa Diyos.

"Garry, ikaw mag lead ng Psalm 91. Ako ang magtatapos ng isa pang short prayer," sabi ko kay Cpl Mayo, isa sa aking matatapang na tauhan na tubong North Cotabato.

Nang ako naman ay nagdasal ito ay generic:

"Nag-iisa naming Dios, nagpapasalamat kami sa iyong mga napakaraming biyaya sa amin at sa aming mga kapamilya na nag-aantay sa amin. Muli, patnubayan mo po kami. Protektahan mo po kaming lahat. Sana ay maunahan namin at magapi namin ang mga kaaway. Sana ay magkasama-sama pa rin kaming uuwing lahat sa aming mga mahal sa buhay. Patuloy po naming sasambahin ang iyong banal na pangalan at kilalaning nag-iisang Diyos."

Lagi-lagi ay may final check up kami bago umalis. Ito ay ginagawa muna individually, then supervised ng mga Team Leaders.

Tinitingnan namin kung kumpleto ang mission-essential requirements.

Firearm. check!
Bandolier. check!
Binocular. check!
Map and compass. check!
Global positioning system receiver. check!
First aid kit. check!
radio and SOI. check! (kaya lang kulang ng PRC 77 radio ang Team 1 ni Sgt Tayros dahil nasira)
'Anting-anting'. check! (panyo, habak, rosaryo, scapular, pispis, oracion, lana-lana, vest, el shaddai prayer at kung anu-ano pang baon ng mga sundalo)

"Okay, gentlemen, prepare to move. After 500m, occupy ORP (objective rally point) para sa lateral coordinations sa engaged units at sa TCP."

Ang reinforcement

Dala ko ang aking 25-man patrol, tinahak namin ang niyugan direkta sa encounter site ng aking mistah. Naririnig ko pa rin ang putukan. Nakapag-bigay na rin kami ng aming direction of movement at ang aming LOA (limit of advance).

Tinabasan ng mga magsasaka ang lugar kaya ipinag-uutos ko ang line formation habang mag-approach sa encounter site. Tila nilalagnat na naman ako. Pinanood ko si Mon, at alam ko tensiyonado ngunit focused sya.

From time to time, kinakausap ko sya sa hand-held radio na dala naming dalawa para sa adjustments ng aming formation. More often, hand and arm signals lang kami. Batid namin na nasa paligid lang ang kalaban.

Pagdating sa ORP, pinag-adjust ko ang aming formation to 'half-box' formation for security purposes. Si Sgt Tayros ay nagbabantay sa high grounds gilid ng east side ng Mt Matanal, Si Sgt Bonifacio sa harapan sa direction ng west na kung saan ay nagbabakbakan, at si Sgt Panganiban ay binabantayan ang side ng beach.

"Musang this is Bullseye. Andito na ako sa ORP, over!" Inaantay kong makasagot ang aking mistah na busy sa pakikipagpalitan ng putok sa mga bandido.

"Bullseye, this is Musang, copy! Nasa medyo mataas na lugar ang kalaban, sa may batuhan at masukal na lugar. Ingat lang bok".

Sinuri kong mabuti ang aking mapa at ibinigay ko ang aking bagong location sa TCP. Dahil dikit-dikit ang locations namin, hindi ako nagpahanda ng artillery support. Hirap na mabatuktukan ng 105mm High Explosive shells di ba?

Nang plantsado ko na lahat, ipinag-uutos ko na ang patuloy na movement. Dahil malapit na kami sa encounter site at baka may maligaw papunta sa amin, hand signals lang ginamit namin. Tapikan ng balikat ng katabi.

At dahil sa tensyon, ang Tail Scout ni Sgt Bonifacio ay hindi natapik ang Lead Scout ni Sgt Tayros na mga 10 metro ang layo ngunit nasa sukalan nagbabantay. Naiwan ang kanyang patrol na nagbabantay doon at akala ay nasa tabi pa rin kami.

Ako naman ay walang kamuwang-muwang na dalawang team na lang natira sa akin at RATELO at si Lt Gurat. Di ko na nagawang mag-headcount bago ang movement bilang bahagi ng SOP ng Rangers. Dapat ay gawain ito ng Platoon Sergeant ngunit wala akong PSG during that time kaya dapat ako na gumawa. Pumalpak din ako don.

Nang nakita kong 200m na lang ang layo ko sa encounter site, inihinto ko ang aking patrol para mag-map check at kumontak sa engaged troops. Minabuti kong itago ang aking patrol sa kasukalang bahagi para sa short halt.

Bagong, hupa ang putukan at nakakabingi ang katahimikan kaya pati patak ng aking pawis sa mapa na aking binabasa ay dinig na dinig. Konting lagapak ng mga sanga pag humangin, napapatutok kaaagad kami ng aming baril na tila ay praning. Feeling may multo rin ang dating.

"Musang this is Bullseye, I am 200 meters to your east over."

Pabulong kaming nag-uusap ng aking mistah na ang grupo ay naglapat ng first aid sa sugatan. Nang makompirma ko ang kanyang location, itinuloy namin ang pag-advance gamit ang wedge formation.

Mga 100 metro ang layo mula sa ibinigay na grid location, ipinahinto ko ang patrol nang may nakita akong armadong kalalakihan na naka Army camouflage outfit. Mahahaba ang kanilang buhok.

"Musang this is Bullseye, I am now 100m to your east. Nakikita ko mga sampung armado na naka BDA uniform nasa batuhan."

"Bullseye this is Musang, naka BDA rin kami at nasa batuhan, over. Sabihan ko ang mga tauhan na parating kang galing east direction para tayo ay makapag-link up."

Nang binasa ko ang GPS reading, halos nasa same grid coordinate na kami. Assumption ko na sila na yong nakikita ko kaya ipinag-uutos ko ang pag-advance palapit sa armadong kalalakihan na tila may sinisilip sa bandang south ng kanilang pwesto.

Dahan-dahan kaming lumapit gamit ang natutunang Ranger stalking skills nang binugahan kami ang maraming putok mula sa mga armadong kalalakihan. Ratat-tat-tat-tat! Zing! Zing! Zing!

Inulan kami ng bala. Kokonti lang ang niyog na mapagtaguan. Isa lang ang command na  dapat isigaw.

"Contact front!"

Tinamaan agad ang dalawa sa aking tauhan pati ang aking gunner na si Pfc Tirador. Hinila namin sila paharap kung saan ay merong magagandang cover.  

Humahaging ang bala sa aking paligid, nakikita ko ang mga bandido sa aking harapan na namumutok mula  likod ng mga bato. Lugi ang aking posisyon dahil panay niyog lang at damo.

"Assault! Assault! Gumilid sa malaking bato!" 

Nalungkot ako na makitang naliligo sa dugo si Tirador dahil sa kanyang head wound. Pinuputukan ko ang mga ulo ng bandido tuwing lumalabas at sumisilip. Bullseye!

Tinakbo naming lahat ang mismong pwesto ng mga kalaban habang nagpapaulan ng bala. 

Natamaan na naman dalawa pa sa aking mga tauhan.

"Sir, me tama ako!"

No choice na ako dahil open terrain ang nasa likuran. Kailangan dikitan ko na mismo ang pwesto ng mga bandido. 


"Hilain nyo paharap ang mga sugatan. Assault!"


Nakita ko ang mas magandang posisyon sa itaas na pwedeng pagpwestuhan ng aking team. "Boni, maneuver to the right! Kunin ang itaas!"

Walang puknat ang palitan ng putok. Sa aking pwesto, 2-3 bandido ang nasa parehong dambuhalang bato na aking ginamit ay nagtatago at nagsisigaw ng 'Allahu Akbar' na sinasagot ko rin ng parehong sigaw.

Sa aking kaliwa, sinigawan ko si Sgt Panganiban na kunin ang southern portion na kung saan ay merong malalaking puno. Akay-akay nila ang dalawang me tama at ang dalawa ay nasa aking tabi pero lumalaban pa kahit nasasaktan.

Tuloy ang palitan ng putok at naisip ko ang aming granada at agad kong sinigawan si Boni. "Granada! Tapon nyo sa harap!" 

Tumitilamsik ang mga lupa at bato pagkatapos ng lumalagabog na KA-BLAAAAM! Dinig na dinig namin ang mga ungol at sigaw nila, ngunit patuloy ang kanilang pamumutok.

Sa pwesto ni Mon at Boni ay overlooking sya sa mga bandido at nakikita nya ang ibang gusto kaming i-outflank. Agad nilang binakbakan ang mga bandido.

Sa kalagitnaan ng bakbakan, tinawagan ko si Cpt Resuello at sinabihang heavily engaged na kami. Dahil magkadikit ang aming location, napagkasunduan naming mag-block ang grupo nya sa gilid ng dagat. Sa kasukalan, lahat ng may baril, kaaway.

Pagkatapos ng tatlumpong minutong palitan ng putok ay umeskapo ang mga bandido buhat buhat ang ilan sa mga sugatan at mga patay na kasamahan. Hinabol namin sila papuntang southwest na kung saan ay naka-ambush position ang 3SRC at 12SRC. Itinawag ko kay Joma ang direction of withdrawal ng mga bandido.

Para maiwasan ang mis-encounter sa 3SRC, ipinag-utos ko ang LOA (limit of advance) at binalikan ang encounter site.

"Search! Gamutin ang WIA!"

Natuwa ako na panay tamang aktor ang inabot ng mga wounded kong tropa. Naka-smile pa rin sila nang isa-isa kong nilapitan pagkatapos na madala sa CASEVAC point.

Apat na bandido ang nasawi at kasama ang kanilang pinuno na si Itih Jailani.

Di kalaunan, dumating ang aming mga kapatid sa Light Reaction Company para lapatan ng lunas ang aking mga sundalong sugatan. 

Ang aking mga aral

Satisfied ako sa combat actions ng aking Platoon Leader na hindi nawalan ng lakas ng loob sa gitna ng inisyal na pagkalugi.

Kamot ulo si SSgt Tayros na nag-link up sa amin dahil sya ay nagbabantay sa kasukalan sa pag-aakalang katabi pa namin sila. Hindi sya nakasali sa aksyon at lugi sya sa kwentuhan.

Mas lalong naiinis ako sa mga sundalong nagpapahaba ng buhok at kamukha na ng bandido. Matagal ko nang napatunayan na wala itong kaugnayan sa katapangan ang pagpapa-cute na magpahaba ng buhok.

Maraming aral sa link-up operations TTPs ang aking naidagdag. Totoo ngang hindi madali ang pag-reinforce ng engaged troops lalo na sa gitna ng bakbakan.

Sa mga sumunod na operasyon, di na ako pumapayag na may team na walang radyo kagaya ng nangyari kay Sgt Tayros. Kay hirap kaya mag-control ng units kung di mo nakakausap ang mga sub-unit leaders.

Nagpabili ako ng dagdag na Motorola handheld radio dahil dito gamit ang sarili kong pondo sa yunit.

Ang lahat na WIA (wounded in action) ay promoted to the next higher rank. Volunteer pa rin sila na laging samahan ako sa mga sumunod na mga missions.

Si Major Ramon Gurat ay maraming napulot na aral sa pagdadala ng tropa sa panahon ng pakikidigma. Dala-dala nya ang mga aral na ito nang sya ay nalipat na sa Engineering Brigade ng Philippine Army. Isa sya sa kokonting matataguriang Ranger Engineers.

Marami sa aking mga tauhan ay nalipat sa iba't-ibang yunit nang ma-unfill ang 10th SRC iilang taon pagkatapos ng aking paninilbihan bilang C.O.


Si 2nd Lt Mon Gurat (leftmost) at Sgt Rodel Bonifacio (3rd from left), at ang iba pang mga mandirigma ng 10th SRC ay nagpapakuha ng larawan habang nag-aantay ng resupply sa Matarling, Lantawan, Basilan. (10SRC photo)


25 comments:

  1. Sir Cabunzky,

    Nice post again. I call this a blessing stumbling at your blog, despite finding it because I reacted on that specific post (RE: Bisayang Dako). I never knew may kawal pala who blogs.

    Anyway, I've been aching to travel and photograph places in Western Mindanao; writing them in series in my blog (pagduaw.com). Currently, I am posting a series for Bukidnon, promoting my own province. But researching on Western Mindanao culture, food, etc.

    So thanks for sharing your experience about the conflict existing in Basilan about families having to fight with each other etc. At least I could better understand the people there.

    More so with your experience as a leader, "parang mahirap ka na teacher pero masarap maging under sayo", well, just speculating. Either way, ngayon ko lang naiintindihan ang SR spirit and brotherhood, thanks to your blog.

    I learned something new this day. And... I can say that I am getting a fan of musangs and their bravery.

    Swerte naman ng anak at magiging apo mo, you can share these stuff all day.

    All the best!

    Regards,
    Drey Roque (pagduaw.com)

    ReplyDelete
  2. Hi Sir!

    it's been 2 years since i've planned writing about a soldier's story in the battlefield, to no avail.

    i was lucky enough to chance upon your blog. while into your latest entry on the frontline, i couldn't help but hold my breath from time to time, knowing that what i was reading is no longer a work of fiction but a "true to life story."

    though i have a (ret.) soldier for a father who survived a deathly encounter during my childhood years, i never knew how things usually happen during operations. and your story has given me a clearer picture of what is it like out there, battling the "bandidos." it really seemed so scary for civilians like me, and for that, i salute every service man who lay down his life in defense of our country against the "bad guys."

    Keep it up, Sir! ;)

    ReplyDelete
  3. Drey,

    A military teacher trains the soldiers how to survive. We are not in paintball games but real-life deadly adventures that require toughness. Di pwede ang palamya-lamya at mahina ang leadership. Dapat mabilis at tamang desisyon ang maibigay upang mabawasan/maiwasan ang casualties.

    Iris,

    Salute your dad for his heroic feats!

    He may have hidden some of his experiences because he didn't want to give you worries.

    When I was in the field, I never told my wife all these details. Even right after bloody battles, I said "I am okay, alive and kicking!".

    Best regards!

    Ranger C

    ReplyDelete
  4. Ranger C,

    May I ask, do you have a twitter account?

    Best Regards,
    Drey Roque

    ReplyDelete
  5. Harold,

    You are a thoughtful person.

    A good man too.

    And not to sound trite or cliche-ish the country needs more people like you.

    . . . lawrence

    ReplyDelete
  6. Drey,

    My twitter account is HaroldCabunoc94. :-)

    Lawrence,

    Thanks for the kind words. I am humbled and honored at the same time.

    Best regards! :-)

    ReplyDelete
  7. Sir Cabunzky,

    Followed you on twitter. Feels nice having you post these stuff on the net. Feels like a brother having to share his experience in the field.

    I'm gonna share this to my blog(s) and facebook. Permission to post as friend link Sir.

    God Bless always!

    Best Regards,
    Drey Roque (pagduaw.com)

    ReplyDelete
  8. Sir you are a true modern warrior! You bring the soldiers' lives closer to the people through the stories that you share on cyberspace. May our Lord guide our soldiers in whatever they do.

    ReplyDelete
  9. nice story! learned a lot too! mahirap pala talaga buhay sa frontline. kung mahina ang leader ay sabit.

    ReplyDelete
  10. dapat ang ganitong kwento gawing extra subject sa mga skwelahan para mas mintindihan natin ang tunay na sitwasyon nila sa bahagi na yan ng Mindanao.

    ReplyDelete
  11. sir rangercabunzky tropa mo po ba si Cpl. Bonotan nang time na yan?
    god bless..

    ReplyDelete
    Replies
    1. Rashid, tao ko si Andy Bonotan noong Ex-O ako ng 12th SRC sa Basilan din. Snappy ang batang yon. Isa sa aking maipagmamalaki sa 12th SRC.

      Delete
    2. Saludo ako sa mga scout ranger.Ang mga tropang marunong magdala sa sarili.Kagustohan ng kaluoban ko mag-scout ranger...SNA matupad,diyos na ang bhla.

      Delete
  12. Thank you for the information in your blog. Yes, I agree to Mike Empleyo that information about the profession and service of peacekeepers should be well discussed in the education curriculum. Service to the country should be instilled in the minds of every Filipino so that we will understand the situation in Mindanao and to establish sense of nationalism in us. Sadly, most of today's youth seems to have no idea of what love of country is. Daghan kaayong salamat, Sir.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thanks Art!

      Dahil sa internal armed conflict ay watak-watak tayong mga Pilipino. Syempre, yung mga kaanak ng aming nakakalaban ay kakampi sa kanila.

      Isa sa dahilan iyan na ang CAT at ROTC ay nagawan ng paraan ng mga anti-AFP na ipatanggal sa mga eskwelahan bilang mandatory training ng kabataan.

      Kung may problema sa ROTC dapat inaayos at hindi tanggalin ang kabuuhan. Maganda sanang paraan yon na lahat ng kabataan ay makaranas ng parehas na pagsasanay na maghubog sa kanilang kaisipan tungkol sa pagmamahal ng bansa.

      Delete
    2. This comment has been removed by the author.

      Delete
  13. I am so glad i stumbled upon your blog spot sir. Antok ako knna but when i started reading, nabuhayan ako nang dugo. Natawa ako (anak nang damuho, praybeeeeyytt), kumakabog ang dibdib pag anjan na ang putukan, at nalulungkot at sabay dasal pag may nabasa ako na WIA...ang galing mo po mag kwento sir. Para na rin lang ako nanood nang action movie. Hehe...kasama lahat lagi ang ating mga sundalo at pulis na nasa mga hot spot sa aking dasal. Gabayan po tau lagi nang Dyos..lalo na po sa inyo sir na laging nasa frontlines. God bless po

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat. True to life experiences iyon na syang nagbigay sa akin ng napakaraming aral sa buhay.

      Pagkakataon ko na ring magbigay pugay sa enlisted personnel ng First Scout Ranger Regiment at sa 10th Scout Ranger Company na naka-deploy pa rin sa field hanggang sa ngayon. Sila ay tunay na mga bayani ng bayan.

      Delete
    2. Salamat. True to life experiences iyon na syang nagbigay sa akin ng napakaraming aral sa buhay.

      Pagkakataon ko na ring magbigay pugay sa enlisted personnel ng First Scout Ranger Regiment at sa 10th Scout Ranger Company na naka-deploy pa rin sa field hanggang sa ngayon. Sila ay tunay na mga bayani ng bayan.

      Delete
  14. Sir our country is blessed to have soldiers like you Keep it up..

    My comment on why we Watak- Watak is right now when I see the news on our politicians especially on our presidential candidates none of them mention how they empower the agriculture sector or the farmer which in mindanao 90-99% are relying on this. My Advocacy is agriculture or farming is not different in Manufacturing goods that the cycle is like this.. Product realization & RnD - Actual manufacturing Process - Marketing - Customer Feedback then back to RnD for Improvement. If all the farmer is empower and trained to this kind of approach I think most in Mindanao will not go to to the thick forest and instead on the center of excellence for more and more training to improve life. HOPE THIS CAN BE SEEN BY OUR LEADERS.

    ReplyDelete
  15. How nice to See Sir Civilians/Our Muslim Brothers and soldiers in one shelter with out arms but books and training materials for knowledge improvement..

    ReplyDelete
  16. Sanvif,

    Thank you. Pursue your advocacy. Replace guns with plows and fishing nets.

    The endless fighting radicalizes young children whose fathers or brothers perished in the violent clashes. Our civilian leaders need to look deeper into this conflict and present solutions that are acceptable to all stakeholders.

    ReplyDelete
  17. Sanvif,

    Thank you. Pursue your advocacy. Replace guns with plows and fishing nets.

    The endless fighting radicalizes young children whose fathers or brothers perished in the violent clashes. Our civilian leaders need to look deeper into this conflict and present solutions that are acceptable to all stakeholders.

    ReplyDelete
  18. Sir Cabunzky,

    nakakatuwa pong basahin ang mga blog nyo, kilala nyo po ba ang father ko? Jose Verdadero :) thanks po

    ReplyDelete