Pages

Saturday, September 21, 2019

Magdamagang ratratan sa kasukalan: MSg Bobords Dela Cerna's Combat Story (Part 7)



Nagkagulo ang kanilang pwesto dahil sa harassment na ginawa ng mga kalabang Bangsamoro Army habang sila ay halinhinang naghapunan.

Tumakbo si 1Lt Suarez papunta sa covered position para ma-control ang tropa.

“Return fire!”

Pak! Pak! Pik! Pik! Brrrrrt! Bratatatat! Bang! Bang! Ka-blaam!

Iba’t-iba ang tunog ng kanilang mga armas dahil tila chopsuey ang issuance na kanilang natanggap na kagamitan.

Ang M16A1 Rifle ay para sa mga officers. Ang M1 Garand ay sa mga squad members. Ang Cal 30 M2 Carbine ay para sa mga Team Leaders. Ang M1 Garand ay para sa mga Second Class Trainees.

“Magkakaiba ang mga baril at mga bala na aming gamit sa battalion dahil halo-halo ang issuance sa Molave Warriors. Base sa gamit na baril, natutukoy namin kung sino ang mga ito,” sabi ni Bobords.

Minsan, naging problema rin sa mga tropa ang cross-loading ng bala dahil hindi magkakapareha ang caliber ng ammo na dala-dala nila.

Tumagal ng humigit kumulang sa kalahating oras ang palitan ng putok sa pagitan ng Molave Warriors at ng katunggaling Bangsamoro Army.

“Cease fire! Cease fire! Observe!”

Brrrrrrt! Brrrrt! Brrrt! 

Kumakanta pa rin ang machinegun ni Bobords.

“Gikolera man kaha ka diha nganong sige pa kag pabuto?” Boses ni Lt Betonio. (#$* ka ata, bakit lagi ka pang nagpapaputok?)

“Ako ning ipapanihapon ug bala ning mga samokan sir! Nagutman ko aning mga buang unya morag mabilar gyud tang tanan aning kalakiha!” (Sir, pakainin ko ng hapunan na bala ang mga magugulong tao na ito. Nagutuman ako sa mga ulol na ito at mukhang mapupuyat tayong lahat sa lagay na ito!)

Sa buong magdamag, pinagbigyan nina Bobords at ng Molave Warriors ang mga MNLF sa tagisan ng palakasan ng apog kung sino tatagal sa kulang ang kain at kulang din ang tulog.

Bandang alas tres ng umaga, naramdaman ni Bobords ang tapik mula sa kanyang balikat. Paglingon nya, naaninag nya si Castillo.

“Batch, ubani ko sa kalibunan beh. Kalibangon na kaayo ko!” (Batch, samahan mo ko sa kasukalan. Sobrang natatae na ako!)

Sa inis, nagising nang mabuti si Bobords sa sinabi ng kanyang classmate.

“Naunsa ka, gusto nimo nga mamatay nga malibang? Pagkutkot diha tapad sa ako, pasalipod anang lubi ug humana kanang imong problema,” instruction ni Bobords bilang paalala sa kanilang SOP sa patrol base operations.  (Ano ka, gusto mong mamamatay na umeebak? Maghukay ka dyan sa tabi ko, magtago ka sa likod ng niyog at tapusin mo problema mo!)

At, tiniis-tiis nya ang amoy sa ginagawang ‘tanggal-problema’ ng kanyang classmate mga 2 metro lang sa kanyang likuran.

Na-busy rin sya buong magdamag sa pagpisat ng lahat ng lamok na sumisipsip sa kanyang dugo pagkatapos ng suicide attack ng mga ito sa kanyang pisngi at leeg. 

Inantay nila ang dahan-dahang pagsikat ng araw para maobserbahang mabuti ang nasa paligid. Nagtapikan sila sa balikat at nakita nya ang hand signal ng kanilang mga NCOs.

“Skirmishers line. Search!”

Doon nya nakita ang mga bangkay ng mga MNLF na naiwan na sa encounter site. Lasog-lasog ang katawan nila sa tama ng bala. Napansin ni Bobords na mga binatilyo pa ang iilan sa kanila.

“Naawa ako sa mga bata na nakita kong namatay. Ang iba nga ay halos matangkad lang ng konti sa bitbit nilang FN FAL rifle,” sabi nya.

Para kay Bobords, walang personalan ang kanyang pakikidigma sa mga Tausug. 

"Pinadala kami ng gobyerno para sagipin ang mga tao na naipit sa pang-aatake ng mga MNLF. Kung armadong rebelde ang sumasalubong sa amin habang nagpapaputok ng armas, natural, paputukan din namin!"

Ang sumunod na instruction sa kanila ay ibinigay pagkatapos nilang nag-agahan bandang alas otso.

“Mag-link up tayo sa 14th Infantry Battalion na nasa bandang Jolo airport. Kailangan nating lusubin ang mga kalaban na naka-okupa sa mga bahayan na nasa paligid nito,” sabi ng kanyang Platoon Leader.
Ang Alpha Company ang na-designate na Main Effort sa pinakauna nilang urban warfare experience sa serbisyo. Kasama si Bobords sa leading elements ng kanilang Platoon, bitbit ang kanyang machinegun at sukbit sa likod ang kanyang M1 Garand.

Ka-blaaam! Bratatat! Bratatat!

Nagsimula na ang welcome ceremony ng MNLF para sa kanila. Kanya-kanyang kubli sa mga sementong bahay ang tropa ng Alpha Company.

Nakakasagupa ng Molave Warriors ang pwersa ng Moros na noon ay branded bilang Maoist rebels dahil nakalinya diumano sa komunista ang ideolohiya nila.

Dahil sa combat operations simula ng proklamasyon ng Martial Law noong 1972, dumadami ang namamatay sa hanay ng MNLF at pinipilit ng Southwestern Command ng AFP sa pamumuno ni General Romulo Espaldon ang pagpagana ng ‘Policy of Attraction’ para mapasuko ang mga miyembro nito.

“Allahu Akbar!”

Isang seryosong tagisan ng katapangan ng mga Bisaya at Tausug ang magaganap sa semi-urban area sa paligid ng Jolo Airport.

(Ipagpatuloy sa Part 8)




1 comment: