Tuesday, June 24, 2014

Following Gen Pershing's footsteps: My adventures in Bud Bagsak (Leadership Experience Part 23)

Kuha ang larawan sa tuktok ng Hill 509 na katabi ng Dua Bayhu at Bud Bagsak. Nasa aming likuran ang Mt Munggit, at sa bandang kaliwa naman dito ang Mt Tunggul at ang karugtong nitong Mt Gasam. Bitbit ko ang aking mga lucky charms na Barong at Pispis sa mga panahong ako naman ang nakipaglaban sa lugar na ito na pinamumugaran ng mga Abu Sayyaf na mga alipores ni Radulan Sahiron a.k.a. Commander Putol. (10SRC Photo)

Nasa assembly area kami sa Bgy Tiptipon na sakop ng Panglima Estino nang matanggap ko ang Warning Order tungkol sa combat operations sa kagubatan na sakop ng Patikul. 

Mula sa bahay ng aking bagong kaibigan na si Gasman, nakikita ko sa gawing timog ang mataas na bundok na natatabunan pa ng kagubatan. 

"Iyan ang tinatawag naming Bud Bagsak. Mga kaaway ng mga pamilya namin ang mga taong nakatira sa gawi dyan," sabi ni Gasman na sya ring Barangay Captain sa kanyang lugar. 

Pamilyar sa aking pandinig ang tinatawag na Bud Bagsak (Mt Bagsak). Mahilig akong maghalukay ng mga nakasulat sa kasaysayan lalo na kapag ito ay may kaugnayan sa militar at sa bansang Pilipinas. 

Noong June 1913, ito ang lugar na kung saan ay nakipaglaban hanggang sa huling hininga ang mga mandirigmang Tausug na pinamunuan ng magiting na si Datu Amil  sa mga sundalong Amerikano at mga Moro Scouts (Maguindanao at Maranao) na pinamunuan ni General John Pershing. 

Humigit kumulang na 500 na bata at mga babae ang kasama sa nasawi sa labanan dito bago nagapi ng tropa ng Amerikano ang mga Tausug sa humigit kumulang na apat na araw na pakikipaglaban. 

Parang kinikilabutan ako pag pumasok sa aking isipan ang sangkatutak na mga biktima ng karahasan sa labanan na iyon. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit bukam-bibig ng mga mandirigmang Tausug ang Bud Bagsak. Merong iilan sa mga pamilya dito ang nagdadala ng kanilang mga sanggol sa tuktok nito para mag-alay ng panalangin bilang tradisyon. Ganoon kalaki ang pagrespeto nila sa makasaysayang lugar na ito. Para sa akin, ganon din ang respeto ko sa mga mandirigmang nalagas dito kagaya ni Datu Amil na kasamang nasawi nang tuluyang natalo sa labanan ang kanyang grupo. 

Hindi naman sa ni-nerbiyos ako ngunit kakaiba ang pakiramdam ko sa bago kong area of operations (AO). Hindi naman sa takot ako sa kagaya ni Radulan Sahiron ngunit hindi mawala ang pagrespeto ko sa kagalingan nya. Just imagine, kay dami na ng dinaanan nyang labanan, naka-survive pa rin sya! Lintik sya sa dulas at tila ay may agimat. Homegrown fighter sya kumbaga. Kahit pikitan nila, alam nila kung saan sumuot kung may sundalong lumusob sa lugar. 

Isang matinding challenge ang pumasok sa teritoryo nya. Dapat ay kasing tuso rin namin sya. Dapat maisip namin ano ang kanyang diskarte. Di ko alam ano ang kanyang hitsura dahil malabo yong picture na ipinakita sa amin sa Brigade Headquarters sa Busbus. 

"Basta, iisa lang kamay nyan. Matanda na yan at laging nakasakay sa kabayo. Humigit kumulang sa 50 ang mga kasamahan nya dyan sa lugar na iyan," sabi ng isang intel guy na nag-brief sa amin.

Actually, malabo pa sa maitim na alkitran ang impormasyon na ibinigay sa akin. Walang klaro sa tinatawag na Commander's Information Requirements (CIR). Kapag ganyang malabo ang available data, pinapairal namin ang diskarte ayon sa mga napag-aralan sa pakikidigma. Bottomline: Ang Rangers ay hunter at hindi ang syang nata-target ng kaaway. Biro nga ng mga patawa ngunit magigiting na old Rangers, "Mga hijo, sa pakikidigma, utak ang gamitin, huwag ut_n!". 

Sa nakikita ko, dalawa ang puntos ng tropa ni Radulan Sahiron kung ikumpara sa aking tauhang karamihan ay 'Baby Musangs' (Non-Rangers/SROC graduate). Una, ay ang battle experience. Ika nga ay may tahid na sila sa pakikipaglaban. Ang kagaya ni Radulan ay simula pa noong kapanahunan nya bilang MNLF fighter ay lumalaban na sya. Di na mabilang ang kanyang bakbakan na naranasan. Parang laro na lang sa kanya ang makipagbarilan. Pangalawa, lamang sila sa mastery of the terrain. Kahit walang mapa ay kaya nilang mag-navigate sa lugar. Kabisado nila ang bawat ambush site, water points at observation posts. Kung magpa-kaang-kaang ang sundalo, parang target paper lang silang binabaril. 

Samantala, hindi naman pahuhuli ang aking yunit. Ang aking Team Leaders ay mga batikan din sa bakbakan sa Surigao at sa Basilan. Namumuhunan ako sa combat leadership ng aking NCO-leaders at pati syempre sa aking sariling kakayahan na i-motivate silang ilaban. Then, maipagyayabang ko naman na nakakaangat kami sa basic soldiery skills. Inaral at ini-rehearse naming paulit-ulit ang kaalaman sa movement techniques/formations, tracking operations, survival techniques, patrol base operations at immediate action drills (IAD) kagaya ng scenario ng counter-ambush techniques. Marunong din kami sa observed fire procedures at close air support (CAS) operations kung ang mga ito ay kailangan sa panahon ng pitpitan. 

Karagdagan dyan, lamang din kami sa marksmanship skills. Ang common shooting skill level ng aking mga sundalo ay ang abilidad na makapagpatama sa layo na 250m. May pili akong mga sundalo na kayang magpatama ng head shot sa layo na 500 metro. Kaya rin ng aking tropa na makipagbarilan ng dikitan sa aming inaral na quick reaction fire. Higit sa lahat, kami ay may sweldo, free hospitalization at iba't-iba pang benepisyo na wala sa hanay ng mga bandido. 


Teka, meron din kaming isa pang kalamangan. Kami ang good guys na pinapanigan ng nag-iisang Diyos. Yes, parehas kami ng mga kaaway na nananalangin at humihingi ng gabay sa Diyos. Dahil pangkikidnap, rape at pamumugot ng ulo ng mga inosenteng biktima ang kanilang ginagawa, malamang si Satanas ang yayakap sa kanila. Doon, sigurado ay lamang kami. 

"Wag kayong matakot sa kanila. Nasa panig natin ang Poong Maykapal," paalala ko sa aking mga NCO nang kami ay nagtipon-tipon para sa aming mission planning. 

Napapansin ko kasi, seryoso na ang lahat tuwing itataya na naman namin ang aming buhay sa isang misyon. Andon na rin yong pagkadismaya ng iba kasi, di natupad ang sabi-sabing '2-week mission' lang kami sa Jolo!


Nababalitaan namin parati ang nakakarimarim na sinapit ng ibang sundalo sa mga katabing yunit na hindi pinalad sa mga bakbakan dahil sa samut-saring dahilan. 

Batid ko na ang dahilan ng pagkalagas ng buhay ng ibang sundalo ay ang pagkalimot o pagpapabaya sa combat SOPs. 

Kasama na doon sa violations ang Principle of Security sa Patrolling Missions na aming inaaaral.

"Tuwing may danger area (lugar na posibleng may kalaban), dapat manmanang mabuti ang paligid at maglatag parati ng overwatching elements."

Meron din akong matinding paalala sa kanila na huwag magpatalo sa nararamdamang pagod. 

"Kahit pagod at gutom na tayo, wag pabayaan ang ating security. Mas maganda na rin yong nakaramdam tayo ng pagod kasi ang ibig sabihin noon ay buhay tayo!"

"Sino sa inyo ang ayaw nang mapagod?"

Naka-smile ang iba at wala ni isang nagtaas ng kamay. Syempre naman. Patay lang yong di napapagod.

Dahil doon, tuwing sumusuong kami sa panganib kagaya ng low ground o creekline kailangang may nakabantay sa likuran. Palitan kami sa pagbabantay at pagtatyagaan na dumapa sa pwesto kahit mainit man o kaya may mga niknik o mga kung anu-anong insektong naninipsip ng dugo doon. 

Ang aking pagtahak sa Bud Bagsak

Madaling araw noon nang nilisan namin ang assembly area sa Tiptipon para sa tracking operations sa kagubatan ng Bud Bagsak. 

Madilim pa ang paligid nang kami ay nagsimulang maglakad at kinakailangang gamitan ng night vision goggles sa leading elements para mas maaninag ang paligid. 

Kapag sobrang madilim lalo na kapag masukal ang lugar, hinahawakan namin ang balikat ng nauna at may signal na kami kung kailangan ng short halt. 

Di naiiwasan minsang di magkakaintindihan kapag gumagamit ng local dialect yong iba sa pagpasa ng message. 

Sa isang pagkakataon, sinabi ng ungas kong tropa na Bisaya na "Pas da word, naay bangag!" (Pass the word, may butas!)

Syempre, di naintindihan ng Ilokano at panay bulong na "Anya? Ano? Bahag?"

Di kalaunan, lalong umingay ang movement kasi meron nang na-3 points sa butas. Pasok na pasok ang isang tropa at nakadamay pa ng isang nahawakan din nya sa uniporme. 

"Kinam!" 

"Apong!"

"Ay buang,nahulog sa butas si batching!"

Parang natatawa akong naiinis sa nangyari. Kailangan kong kontrolin ang sitwasyon kaya nilapitan ko sila pati yong mga usyosero na lumapit. 

"Mga boloy, recover! Hanggang bewang lang yan eh!"

Napurnada ang aming tactical movement. 

Me nabagsak sa Bud Bagsak!

(Ipagpatuloy)





No comments:

Post a Comment